Riles ng MRT-3 tinambakan ng basura

Patse-patse ang biyahe ng Metro Rail Transit (MRT) Line 3 matapos tambakan ng basura ang riles ng tren sa pagitan ng Magallanes at Taft station.

Sa abisong ipinarating ng pamunuan ng MRT-3, kasagsagan ng rush hour at dagsaan ng mga pasahero dakong alas-6:44 ng umaga nang magpatupad sila ng limitadong biyahe mula North Avenue hanggang Shaw Boulevard stations (vice versa) dahil sa nagkalat na basura sa riles ng tren.

Ayon kay MRT operations manager Engineer Deo Manalo, sumabit ang mga basura sa power cables ng tren at kumalat sa riles kaya’t kinailangan munang alisin ang mga ito bago itinuloy ang biyahe upang hindi  magdulot ng disgrasya at aberya.

Pagkalipad ng 15-minuto, naibalik din sa normal at full operations ang biyahe ng mga tren ng MRT.

Iniimbestigahan na ng pamunuan ng MRT kung nahagip ng CCTV camera ang mga salarin na naghagis ng basura sa riles ng tren.

Ang MRT-3 na bumibiyahe sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA) ang siyang nag-uugnay sa Taft Avenue, Pasay City, North Avenue at Quezon City.