Mistulang ‘boxing stadium’ ang umaandar na pampasaherong bus nang nagkasapakan at nagsaksakan ang 4 na lalaking sakay nito dahil lamang sa paninipol sa isang 20-anyos na estudyante sa Noveleta, Cavite.
Pawang ginagamot sa Philippine General Hospital (PGH) sina Michael Barbacena, 24, binata; Federico Baral, 26 at Jhan Paul Bataller, 19, kapwa construction worker dahil sa sugat sa mukha at katawan habang sa isang ospital din sa Cavite itinakbo ang suspek na si Michel Bandin, 42, ng Imus City, Cavite.
Sa ulat ni PSSg. Ricky Cirilos, ng Noveleta Municipal Police Station, sakay ang biktima, mga suspek at babaeng estudyante ng San Sebastian College-Cavite City branch sa isang mini-bus na may rutang Cavity City – Naic patungong Rosario Cavite alas-nuwebe kamakalawa ng gabi nang pagtripang titigan ng grupo ni Barbacena ang babaeng estudyante. Hindi pa nasiyahan ay nagbulungan, nagtawanan at sinipulan pa ito.
Dahil sa tinuran ay sinita ni Bandin ang tatlo na minasama ng mga ito dahilan upang sila’y magtalo hanggang sa naglabas umano ng bote ang una at ipinukpok sa isa sa kanila na ikinabasag pa nito.
Kinuyog naman ng tatlo si Bandin pero dahil armado ng basag na bote ay nagawa nitong isaksak sa tatlo habang patuloy na umaandar ang pampasaherong bus.
Pagdaan sa barangay hall sa San Rafael III ay hininto ang bus kung saan ipinaaresto ang apat na napag-alaman pawang nakainom. (Gene Adsuara)