Babawasan ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang iproproseso nitong COVID-19 tests matapos magkasakit ang 40 nitong mga tauhan.

Sa panayam ng CNN Philippines kay RITM director Celia Carlos, sinabi niyang nag-umpisang magkasakit ang kanilang mga tao ngayong Abril kaya mababawasan ang kanilang iproprosesong COVID19 testing. Sinala ng ahensiya ang mga tao at inihiwalay na ang mga may sakit para mabigyan na ng lunas.

“Health is a primary concern of the agency, kung may sakit, it has to be addressed,” sabi ni Carlos.

Umaabot na sa 1,500 hanggang 2,000 tests ang naiproproseso ng RITM bago magkasakit ang mga tauhan nito. Kasalukuyang naghahanap na ang RITM ng mga taong gagawa ng trabaho at 60 ang kakailanganin nitong bagong staff.

Sabi ni Carlos, ipinadala muna sa ibang mga laboratory ang mga COVID-19 tests na sa RITM sana papunta ngunit tatanggapin nito ang mga samples na manggaling sa Muntinlupa kung saan makikita ang RITM at ang mga malalapit na lungsod tulad ng Las Pinas, Paranaque, at Pasay.

Prayoridad ngayon ng RITM ang testing ng staff nito at pagkatapos pa lang ang mga ito nila muling mababalikan ang mga testing ng iba.

Sabi ni Carlos, April 4 nagkasakit ang isa nitong empleyado at agad silang nagsagawa ng contact tracing at testing kaya naihiwalay na sila at nabigyan ng lunas. Marami naman sa kanila ang banayad lang ang karamdaman at ang mga seryosong kaso ay naka-admit na sa ospital.

Dagdag ni Carlos, hindi tukoy kung saan nahawa ang empleyado ng RITM dahil maari ding nakuha niya ito nang sila ay namili ng kanilang pangangailangan.

Itinanggi rin nito na pansamantalang isasara ang nabanggit na testing facility pero ipaprayoridad muna ang test results ng kanilang mga empleyado.

Patuloy umamong tatanggap ng samples ang RITM pero doon lamang sa lugar ng Muntinlupa, Parañaque, Las Piñas, at Pasay City.(Eileen Mencias/Juliet de Loza-Cudia)