Ritz pumalag na lesbiyana

No boyfriend since birth daw ang Kapamilya actress at “Los Bastardos” star na si Ritz Azul sa edad na 24, kaya naman hindi maiiwasang magkaroon ng espekulasyon tungkol sa kanyang sexual preference.

Samantala, tinatawanan na lang niya ang mga sitsit na lumutang na kaya wala pa siyang nobyo ay dahil lesbiyana umano siya.

“Hindi naman porke’t wala pang boyfriend, ­lesbiyana agad. I think hindi ko pa lang natatagpuan ‘yung para sa akin,” depensa niya.

Nilinaw rin niya na hindi siya na-trauma o nasaktan sa pakikipagrelasyon kaya wala pang napapabalitang nagka-nobyo na siya.

“Darating din naman ako roon. Lumaki kasi ako na hindi lang siya priority. Actually, bahay-eskuwela lang ang nakagisnan ko. Kahit noong high school ako, hindi siya ang naging buhay ko. Actually, minsan, kalaro ko pa sila ng basketball,” aniya.

Hirit pa niya, kung magkakanobyo siya, ayaw raw niya ng fling kundi pangmatagalang relasyon.

“‘Yung pagpasok sa isang relasyon is a big responsibility for me. Kung mai-involve ako sa isang tao, gusto kong maging dedicated sa kanya tulad ng dedikasyon ko sa aking trabaho,” bulalas niya.

Hindi naman niya ikinaila na sa kasalukuyan ay may suitor siya pero nasa ‘dating stage’ pa lang daw sila at wala pang seryosohan.

“Actually barkada kami. Dating pa lang at wala pa akong sagot. Pareho kami ng wavelength. Ako naman, cowboy kasi ako. So nag-start kami as barkada. We go out but mostly kasama ang friends. Ako naman kasi, sinasabi ko na ito ang priorities ko. Kumbaga, bahala ka nang mag-intindi, kung tutuloy mo ba o hindi. Kaya kung gusto mo ako, pakinggan mo ako,” hirit niya.

Wala raw naman siyang naki­kitang masama na maging latebloomer o wala pang nobyo sa kanyang edad.
“Ako kasi masyado akong futuristic mag-isip kaya naiwan ko ‘yung side na ‘yon ng aking kabataan. Pero, so far, wala naman akong regrets,” esplika niya.

Bukod sa “Los Bastardos,” mainstay din si Ritz ng “Banana ­Sundae.”