Rizal Memorial pwede na sa quarantine simula ngayon

Maaari na umanong gamitin simula ngayong araw ang Rizal Memorial Sports Complex sa Maynila bilang quarantine facility, ayon kay National Task Force (NTF) Covid-19 chief implementer Carlito G. Galvez Jr.

Nakahanda na umanong ilipat dito ang mga symptomatic at asymptomatic na mga Covid-19 patient sa Martes.

“The Rizal Memorial Complex will be operationalized by Monday. We will inspect it and ensure the quality of its facilities,” sabi ni Galvez.

Kahapon, kinausap ni Galvez ang mga doctor ng mga pribadong ospital sa Maynila upang tugunan ang logistical concern na kailangang ayusin ng NTF.

“Our strategy is to transfer patients with mild Covid-19 symptoms. It will also be manned by three doctors and 50 nurses from the Armed Forces of the Philippines (AFP) and Philippine National Police (PNP) medical services,” sabi pa nito.

Layunin ng hakbang na makapag-accommodate ng mga non-COVID patient na nangangailangan ng tulong medikal ang mga ospital sa gitna ng Luzon-wide enhanced community quarantine.

Sa Rizal Memorial Complex, may air-condition ang mga cubicles, libreng pagkain sa mga pasyente at mga frontliner, libreng internet connection, at 24/7 na babantayan ng AFP at mga PNP doctor at nurse.

Tiniyak ni Galvez na uunahin ng NTF na mabigyan ng personal protective equipment (PPE) at ibang medical supply ang mga government at private hospital sa Metro Manila. (Prince Golez)