Sa pagsasabing ginagamit lang na daan sa graft and corruption, itinulak ng isang senador ang pagbuwag sa Road Board.
Giit ni Sen. Aquilino ‘Koko’ Pimentel III, dapat ilipat na lang sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Transportation and Communication (DOTC) ang bilyon-bilyong pisong pondo ng Road Board.
Sinabi ni Pimentel na ang DPWH at DOTC ang tamang ahensiya ng gobyerno para magpatupad ng road safety measures at projects, gamit ang road fund.
Sa Senate Bill 114 ni Pimentel, pinaaamiyendahan nito ang Republic Act 8794 na siyang lumikha sa Road Board.
Base sa report ng Commission on Audit (COA) ang pondo ng Road Fund ay nasa P90.72 bilyon mula 2001 hanggang December 2012.
Subalit noong 2013, natuklasan ng COA ang iregularidad sa paggamit ng P1.66 bilyong road fund.