Malalim ang dahilan ng pagsuporta ni Senador Grace Poe sa pagbuwag sa Road Board.
Noong tumakbo sa 2004 presidential elections ang namayapa niyang ama na si Fernando Poe Jr., ginamit ang bilyon-bilyong pisong pondo ng nasabing ahensiya upang masiguro ang panalo noon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Isiniwalat mismo sa isang privilege speech sa Senado noong 2009 ng namayapang Senador Miriam Defensor-Santiago na ginamit ang pondo ng Road Board noong 2004 presidential elections at 2007 senatorial elections.
Umabot sa P56.5 bilyon ang hinugot sa Road Board, pondong nanggaling sa Motor Vehicle User’s Tax (MVUC) na binabayad ng bawat may-ari ng sasakyan tuwing magre-renew ng rehistro, mula 2001 hanggang 2009.
Kaya bago buwagin ang ahensiya, nais ni Sen. Poe na mapaimbestigahan ang pinaggamitan ng road user’s tax at mapanagot ang kumurakot nito sa mga nakalipas na taon.
“The measure has gone through the process and approved by both chambers of Congress. It is time to bring it to the President for his signature,” saad ni Poe.
“But before its dissolution, the agency should be made to account for the billions of funds it utilized from the MVUC,” giit pa ng senador.
Matagal na umanong nagdurusa ang mga car owner sa laki ng kanilang binabayad sa MVUC subalit imbes na mapunta ang pondo sa road maintenance at improvement ng road drainage, pagkakabit ng traffic lights at road safety device at sa air pollution control alinsunod sa Republic Act 8794, ginamit ang pondo sa ibang bagay tulad ng kampanya sa halalan.
“The National Treasury should also be appraised of the total funds that would be transmitted to them. Ours is a government of accountability. And the car owners who contributed to the MVUC should be given their due course.
“Pondo ito ng mamamayan na dapat ibalik sa pamamagitan ng mga magagandang kalsada, pasilidad na maayos sa mga gumagamit ng ating transport system at mga imprastruktura na nakakabuti sa higit na mas marami,” diin ni Poe.
Inaprubahan ng Kamara ang panukala sa pagbuwag ng Road Board noong Mayo, at noong Setyembre ay inaprubahan din ito ng Senado. Subalit nagbago ang isip ng liderato ni Arroyo at gustong bawiin ang approval ng panukala.
Hindi naman pumayag si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto at ipinadala sa Malacañang ang kopya ng panukala upang mapirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi naman ni Majority Leader at Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr. na ‘fake news’ ang mga balitang makikinabang siya at si Speaker Arroyo sa pondo ng Road Board kaya’t ayaw nila itong ipabuwag.
“No request nor projects for the district of either Speaker Gloria Macapagal-Arroyo or Majority Leader Rolando G. Andaya Jr.,” ayon sa pahayag ng Camarines Sur solon.
Base sa listahang ibinigay sa kanya ni Chito Clavano, head ng Road Board, nakita dito ang pangalan nina Senate Minority Leader Franklin Drilon, Senador Sonny Angara, Ilocos Norte Rep. Rodolfo Fariñas, PBA Party-list Rep. Jericho Nograles, Kabayan Rep. Ron Salo, Taguig City Rep. Arnel Cerafica at iba pa.