Road clearing operation ibabalik ng DILG

Maglalabas ng bagong direktiba ang Department of the Interior and Local Government (DILG) para muling magsagawa ng road clearing operation ang mga pamahalaang lokal sa kanilang nasasakupan sa loob ng 75 araw.

Ayon kay DILG Undersecretary at spokesperson Jonathan Malaya, napansin nila na nagbalikan ang mga sagabal sa kalye pero walang ginagawa ang mga pamahalaang lokal para pigilan ang mga ito lalo na noong holiday.

Aniya, umaasa silang mauunawaan ito ng mga opisyal ng pamahalaang lokal dahil ang direktiba ng Pangulong Rodrigo Duterte sa road- clearing operation ay gagawin ito hanggang sa matapos ang kanyang termino.

Babala pa ni Malaya na kailangang pangunahan ng mga pamahalaang lokal ang pagpapatupad ng road clearing operation dahil kung hindi ay mahaharap sila sa kaso o suspensiyon.

Ang hamon aniya dito ay maipagpatuloy ang mga nakamit na tagum­pay sa road clearing operation noong nakaraang taon kung kaya’t maglalabas ng bagong direktiba si DILG Secretary Eduardo Año para linisin muli ng mga LGU ang kanilang nasasakupan sa mga sagabal sa daan.

Ipinahayag naman ni DILG Undersecretary Epimaco Densing na maglalabas sila ng mga bagong panuntunan para sa panibagong road clearing ope­ration, paglilinis sa mga bangketa at imbentaryo ng mga kalsada sa bawat local government unit.

Nitong nakaraang Linggo ay kinasuhan na ng DILG ang unang batch ng 10 alkalde sa iba’t ibang munisipalidad at lungsod dahil sa hindi pagsunod sa direktiba ng Pangulo laban sa mga sagabal sa daan. (Dolly Cabreza)