Road clearing operation ng mga LGU huhusgahan na

Sesentensiyahan na ng mga validation team ng Department of the Inte­rior and Local Government (DILG) na mag-iikot sa buong bansa, ang mga lokal na pamahalaan sa pagtatapos ng deadline ng clearing operations sa Lunes, Setyembre 30.

Gagawin ito isang araw matapos ang 60 araw na deadline upang linisin at alisin ng mga local government units (LGU) ang lahat ng road obstruction sa kanilang mga nasasakupan.

Ang validation team ay binubuo ng Local Government Operations Officer at mga kinatawan mula sa Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), mga non-government organization (NGO) na accredited ng DILG at media.

Ang mga nabanggit ang susuri o huhusga kung pasado o hindi ang isinagawang clearing operation ng mga LGU sa kanilang nasasakupan.

Bibigyan ng show cause order ang mga LGU na hindi tumalima sa mga panuntunan ng DILG ukol sa road clearing, saka isusumite kay Pangulong Rodrigo Duterte

“Those who are found to be non-compliant will be issued show cause orders by Secretary Eduardo Año before their names are submitted to the Presi­dent,” ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya.

Apela naman ng DILG sa publiko, makiisa sa clearing operation at sila na mismo ang magtanggal ng mga bagay-bagay, istraktura o ano pa mang kagamitan na nakahambalang sa kalsada.

Nag-ugat ang nationwide road clearing operation sa utos ni Pangulong Duterte noong kanyang huling State of the Nation Address na ibalik ang mga pampublikong kalsada sa mga commuter at motorista. (Dolly Cabreza)