Road clearing walang puknat — DILG

Matapos na maging matagumpay ang nationwide ‘road clearing’, hindi pa rin umano maaaring magpakampante ang ng local government unit (LGU), dahil hindi nagtatapos sa 60 araw ang kailangang paglilinis at paggiba sa mga sagabal sa daan sa kanilang mga nasasakupan.

Sa panayam sa tagapagsalita ng Department of Interior and Local Government (DILG) na si Usec. Jonathan Malaya, hindi umano nagtatapos sa 60 araw na deadline ang kautusang paglilinis sa lansangan ng Pangulong Rodrigo Duterte dahil kada ikatlong buwan ay mag-iikot ang validation team ng ahensiya upang i-monitor ang mga nasasakupang lungsod at munisipalidad ng mga LGU sa Metro Manila at mga lalawigan.

“Sinabi ni (DILG) Sec. Eduardo Año, hindi dito nagtatapos ang road-clearing operations. This is now a continuing program of DILG. Every quarter na kaming gagawa ng evaluation at grading system at ipopost ang resulta nito through press conferences at sa aming mga social media accounts para malaman ng mga kababayan natin kung sino ang nag-improve at hindi nag-improve,” paliwanag ni Malaya.

Aniya, pupuntahan ng DILG ang mga LGU na hindi pumasa sa road clearing kaya hindi rin dapat magpakampante ang mga halal na lokal na pamahalaan na nakakuha ng mataas na compliance rating dahil patuloy pa rin ang monitoring sa kanilang mga lugar.

Binigyang-diin ng kalihim na kailangang magpaliwanag ang mga non-compliant LGU sa loob ng limang araw kung bakit hindi nakasunod sa road-clearing operations sa loob ng dalawang buwan at kung hindi katanggap-tanggap ang kanilang alibi o satisfactory ang eksplanasyon, sila ay kakasuhan sa Office of the Ombudsman.

Una nang inihayag ng DILG na may 97 LGU ang bagsak sa clea­ring ops nationwide, mula sa Region I hanggang 13, MIMAROPA at CAR na kanilang padadalhan ng mga show cause order upang pagpaliwana­gin kung bakit hindi nakasunod ang mga ito sa kautusan ni Pangulong Duterte sa clearing ops.

Sa Metro Manila, ang mga nakakuha naman ng high compliance rating ay ang Manila, Caloocan, Las Piñas, Makati, Malabon, Mandaluyong, Marikina, Navotas, Parañaque, Pasay, Valenzuela, Pateros, and San Juan, habang ang mga lungsod ng Muntinlupa, Pasig at Quezon ay binigyan lamang ng gradong medium compliance, at tanging ang lungsod ng Taguig ang nakakuha ng low compliance rating. (Dolly Cabreza)