Para masolusyonan ang lumalalang bigat ng trapiko sa EDSA, iminungkahi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na sikipan ang linya sa nasabing highway upang madagdagan ng isa pang linya na madadaanan ng mga sasakyan.
“Tinatawag natin itong road diet, wala pong mangyayaring construction dito, ia-adjust lang ho natin ang road markings so dun lang tayo magbe-base para mas dumami ‘yung lanes,” ani ni MMDA spokesperson Celine Pialago
Mula sa 3.4 metrong lapad ng lane magiging 2.8 metro na lamang ito ayon sa mungkahi ng ahensiya, dahil dito mula sa 6,000 sasakyan na kapasidad ng EDSA sa bawat linya ng magkabilang direksiyon ay madadagdagan ito hanggang 12,000 sasakyan.
“There’s a notion na the wider the road the safer, kasi nakakapag-manoeuvre ‘yung mga driver, mas malaki ‘yung space nila, mas maliit ‘yung tsansa na may maaksidente, unfortunately hindi ganu’n,” sabi pa ni Pialago.
Dagdag pa ng MMDA, ang Department of Public Ways and Highways ang magdedesisyon kung itutuloy ang mungkahing ito. Ang DPWH din ang sasagot sa magagastos sa pagpapalit ng mga road marking.