Limang national road section sa Metro Manila ang kukumpunihin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ngayong weekend simula Biyernes nang gabi, January 25, 2019.
Ayon kay DPWH-NCR Director Ador Canlas, sasakupin ng mga reblocking at repair work ang 1,878.5 sqm na kalsada na kinabibilangan ng southbound direction ng Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA) sa harap ng Home Depot hanggang Kaingin Road, 4th lane mula sa center island at pagkatapos ng Lagarian Creek hanggang Ermin Garcia Street tabi ng MRT Station pawang sa Quezon City.
Gagawin din ang southbound direction ng C-5 Road partikular sa Julia Vargas Street, Pasig City at ang bahagi sa harap ng SM Aura. Sa Manila, ang northbound direction ng Ramon Magsaysay Boulevard mula Pureza hanggang Ramon Magsaysay Bridge ay sasailalim din ng repair works.
Kaugnay nito, pinapayuhan ang mga motorista na dumaan sa alternatibong lugar upang makaiwas sa pagsisikip ng trapiko sa mga apektadong lugar.