Robbery-extortion scam sa Zambo ibinabala

ZAMBOANGA CITY – Isang negosyante ng mga lumang sasakyan ang nanawagan sa publiko na mag-ingat sa panibagong extortion scam matapos na muntik mabiktima ng isang nagpakilalang hired killer.

Ayon sa salaysay ng negosyante, may tumawag umano sa kanyang cell phone at tinanong kung siya si Sultan at saka sinabing may isang negosyante rin ang nais magpapatay sa kanya at buong pamilya sa hindi mabatid na kadahilan.

Nagpakilalang Jayson Mendez ang tumawag na nagsabing taga-Ozamis City at nagpadala na ng apat na lalaki at isang babaeng papatay sa kanilang lahat.

Dalawang beses pa umano silang nag-usap at sinabi ng negosyante na hindi Sultan ang kanyang pangalan.

Hinihinalang alias lamang ang pangalan na ibinigay ng hired killer, ngunit gamit nito ang cell phone number 0915-7329938 sa kanyang pagtawag.

Mabilis naman nitong nai-block sa cell phone ang lalaki, ngunit makailang ulit rin itong tumawag.

“Matatas managalog yun tumawag at malamang nakuha yun cell phone number ko sa mga advertisements namin,” ani pa ng negosyante.

Posible umanong miyembro ng robbery-extortion gang ang tumawag sa kanya at sa huli ay hihingaan ng salapi upang hindi matuloy ang pagbabanta sa kanilang buhay. Nakiusap naman ito na huwag na siyang pangalanan upang mabigyan ng proteksyon.