Robbery holdup suspek na sangkot din sa droga, patay sa shootout

dead-pusher

Nalagasan ng miyem­bro ang isang robbery holdup group na sangkot din sa ilegal na kalakaran ng ipinagbabawal na gamot matapos umanong manlaban ang isang gala­may ng grupo sa mga awtoridad na nagsagawa ng buy-bust operation kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Sa ulat ng Caloocan City Police, partikular na ni PSSupt. Chito Bersaluna, alas-11:55 ng gabi umano nang magkasa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Drug Enforcement Unit of Police Community Precinct (DEU-PCP) IV kung saan ay target nilang masakote ang umano ay notorious na si Ryan Bertillo na miyembro umano ng Bahala na Gang na sangkot din sa mga kaso ng robbery holdup sa Barangay 188, Tala ng nasabi ring lungsod at nasa drug watch list din.

Agad naman umanong nakipagtransaksiyon ang suspek sa mga nagpanggap na buyer ng droga at nakipagkita sa Barrio Concepcion Dulo ng nasabi ring lugar at nang magkapalitan na nga sila ng shabu at marked mo­ney ng police poseur buyer ay nakatunog umano si Bertillo at walang ano-anong bumunot ng baril saka pinaputukan ang pulisya.

Wala namang tinamaan na alagad ng batas kung saan ay mabilis din naman siyang nagantihan ng putok ni Chief Insp. Timothy Aniway na siyang namuno sa operasyon. Tinamaan sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang suspek na agad niyang ikinasawi.

Na-recover sa panga­ngalaga ng suspek ang isang .38 caliber na baril, ginamit na marked money at nasa limang heat-sealed transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu na inaalam pa ang dami.