Pagkatapos ng mahigit dalawang dekada na pagsasama ng actor na sina Robert De Niro at Grace Hightower, isang American philanthropist, socialite, actress at singer ay naghiwalay pa rin ang dalawa.
Tahimik ang paghihiwalay ng mag-asawa. Hindi nalaman ng mga kaibigan nila sa showbiz na hindi na pala sila nagsasama.
Ang Page Six, ang unang nakasagap ng balita dahil may source na nagbigay sa kanila ng impormasyon.
Ayon sa source, ang 75-year-old actor, ay hindi na umuuwi sa kanyang asawa na si Hightower at sa seven-year-old nilang anak na babae.
Nakumpirma lang na hiwalay na ang mag-asawa nang solong um-attend sa isang event si De Niro nang wala ang asawa sa kanyang tabi.
Every time daw kasing nasa social gatherings ang actor ay laging kasama nito ang misis.
Nagsimula ang pag-iibigan ng dalawa nu’ng kasikatan ni Hightower nu’ng 1990 kung saan sa London sila nagkakilala.
Taong 1997 nang ikasal ang dalawa. Nagkaroon sila ng isang anak, named Elliot. Pero 1998 nang bigla na lang gustong tapusin ng actor ang pagsasama nila ng asawa at nag-file pa siya ng diborsiyo nu’ng 1999.
Inakusahan ni De Niro si Grace para siya ang mangalaga sa kanilang anak. Pero, nagkaroon ng twist ang kanilang demandahan dahil bago mapirmahan ng hukuman ang kanilang divorce paper ay nagkabalikan ang mag-asawa.
Muli silang nagpakasal nu’ng 2004 kung saan um-attend ang mga pamilya nila at mga kaibigan sa showbiz tulad nina Meryl Streep, Martin Scorcese at Ben Stiller.
After seven years ay nabiyayaan pa sila ng isa pang anak na babae, si Helen. Si De Niro ay may apat pang anak sa mga dating nakarelasyon – Diahnne Abbott (former actress and singer). In-adopt din ng actor ang unang anak ni Abbott. Kambal naman ang naging anak ni De Niro sa dating modelo na si Toukie Smith.
Walang binibigay na detalye kung ano ang dahilan ng paghihiwalay nina De Niro at Grace.