Robin, Digong imbyerna sa mga pasaway

Sa lahat ng mga ariba ni Robin Padilla ay ngayon lang siya sinang-ayunan nang isandaang porsiyento ng ating mga kababayan.

Mas madalas kasi kesa sa hindi ay naba-bash ang action star, hindi kinakampihan ng publiko ang kanyang opinyon, pero ngayon ay kaisa niya ang bayan laban sa mga pasaway.

Narindi na si Robin sa mga kababayan nating walang pakialam sa enhanced community quarantine na pinaiiral ng DOH at ng ating pamahalaan.

Manatili lang sa bahay ang payo sa ating mga kababayan para makaiwas sa corona virus, isapuso rin ang social distancing, para hindi mahawa at hindi makapanghawa ng sakit.

Pero ano nga naman ang ginagawa ng ibang kababayan natin? Hindi sila mapakali sa bahay, galaan nang galaan, at nakukuha pang magtupada ng iba.

Natural, nangangamba ang DOH na sa halip na bumaba ang numero ng mga nagiging biktima ng COVID-19 ay tataas pa nga, dahil sa mga taong akala yata ay walang hangganan ang kanilang buhay.

Sa sobrang inis na ni Robin ay nakapagsalita tuloy siya ng, “Cooking ina n’yo!” na sinang-ayunan naman ng mga kababayan nating buwisit na buwisit na rin sa mga pasaway.

Nakakaputol nga naman kasi ng pasensiya ang mga taong walang pinakikinggan. Sa halip na makatulong ay nagiging pabigat pa sa ating pamahalaan.

Kahit nga si Pangulong Rodrigo Duterte ay galit na galit na sa mga pasaway, hindi na malaman ng pangulo kung ano ang kanyang sasabihin, napakahirap nga namang mamuno sa isang bansang maraming matigas ang ulo at pilosopo.

Ano raw ang gagawin nila sa bahay? Darating daw ba ang grasya kung mananatili lang silang nakakulong sa kanilang mga tahanan?

May mga tao talagang mahirap ispilengin ang ugali.

Derek matindi ang pagpapahalaga sa mga frontliner

Bukod sa sagana na siya sa buhay ay mapuso rin si Derek Ramsay. Maraming mayayamang walang malasakit sa kanilang kapwa, sarili lang ang iniintindi nila, du’n naiiba ang hunk actor.

Mula sa sarili niyang bulsa ang mga ipinamamahagi niyang tulong, may sarili siyang grupo ng mga kaibigang nakikipagtulungan sa kanya sa paghahanda ng mga ipinamimigay nila sa mga nangangailangan, dakila ang puso ng aktor.

Matindi ang pagpapahalaga niya sa mga frontliners, dikta nga lang naman ng puso ang nagtutulak sa mga kababayan nating nagtatrabaho sa mga ospital para ibuwis ang sarili nilang buhay sa panahon ng COVID-19, pagtupad ‘yun sa kanilang sinumpaang tungkulin.

Sabi ni Derek, “Iba ang feeling ng nakapagbibigay tayo ng hope sa mga kababayan nating nagseserbisyo sa isang panahong tulad nito.

“Dasal at pagbibigay lang naman ng lakas ang puwede nating ibigay sa kanila. Napakahirap at delikado ang mga ginagawa nila.

“Hindi lang ang mga sarili nila ang nagdedelikado, pati buhay ng mga families nila, pero nand’yan pa rin sila para makapagligtas ng buhay ng mga hindi naman nila kaanu-ano,” sinserong pahayag ni Derek.

Kaya naman patuloy ang pagdaloy ng biyaya sa kanyang buhay at karera. Maayos din ang relasyon nila ni Andrea Torres.

Mukhang nakakaamoy na kami ng kasalan sa mga darating na panahon dahil kay Derek na mismong nanggaling na si Andeng na ang babaeng gusto niyang makasama habambuhay.