Pinabulaanan ni maka-Duterte actor Robin Padilla ang pahayag ng madla na nilaglag niya ang network niyang ABS-CBN sa pagsasabing “sa batas siya nagtitiwala.”
Kaiba kasi sa pahayag ng mga kapwa niya Kapamilya artist, sinabi ni Robin sa ngayo’y buradong Instagram post na sa batas siya papanig, at kung may mali man ang TV giant ay dapat itong managot.
“Mayaman o Mahirap may kapangyarihan o wala sikat man o hindi ang lahat dapat ay pantay pantay sa harap ng Batas dahil ang hustisya ay walang tinitignan o tinititigan ANG MALI ay MALI at ang TAMA ay TAMA walang maybe o exempted ang lahat ay mananagot kapag lumabag sa batas. Panay na nga ang labag natin sa batas ng Dios napakapambihira naman kung pati batas ng tao lalabag pa rin tayo. Anong klase na tayong tao at lahi,” hayag ni Padilla, sabay lakip ng Lady Justice statue at pahayag ni dating American President Theodore Roosevelt na “No man is above the law and no man is below it.”
Sa hiwalay na pahayag sa Facebook, inulit ni Robin ang pahayag, pinaliwanag kung bakit binura niya ang IG post, at inalala ang panahon na nakulong siya.
“Sabi daw ng netizens Nilaglag ko daw ang network ko wow! Mga kababayan kahit na sino kahit kaibigan ko kapatid ko kapamilya ko at kamag anak ko kapag lumabag ka sa batas dapat kang magbayad sa batas dahil ako nagbayad ako ng tatlong taon sa loob ng Kulungan/Piitan/Bilibid dahil nagbayad ako sa kasalanan ko,” wika ni Robin.
“Inalis ko na rin ang mga post ko kahapon sa instagram at fb about the legal issue of Abscbn not the franchise issue bilang respeto ko sa asawa ko na si mariel she said to me im a kapamilya forever at sinabihan din ako ni kuya ipe salvador na magrelax at tumahimik dahil walang alam si mayor PRRD sa hakbang ng solgen kaya balik na lang ako sa aking journey towards spirituality,” sambit nito.