Robin, makabagbag-damdamin ang hinaing sa panganganak ni Mariel

NAG-POST si Ma­r­iel Padilla ng kuha niya sa isang park na mukhang kuha pa iyun nung bumoto siya nu’ng nakaraang eleksyon sa Amerika.
Nasa caption nito, ‘the waiting game.’

Maaring waiting sa nalalapit na pa­nganganak niya, pero puwede rin sa waiting niya sa kanyang asawang­ si Robin Padilla kung makakarating ba ito ng Amerika sa araw ng kanyang panganganak.

Kamakalawa ay ipinost din ng actress/TV host ang video message sa kanya ng mother-in-law niya na pinapag-ingat siya sa panganganak at patuloy na pagdarasal na maging safe siya hanggang sa makapanganak.

Hindi na kaya matuloy si Robin sa Amerika, dahil hindi ito nabigyan ng US visa?

Nabagbag naman kami sa post ni Robin sa Instagram kahapon na tila pinaghandaan na niya ang sarili na wala siya sa tabi ni Mariel sa araw ng panganganak nito.

Ipinost ng aktor ang video ng childbirth class nila kasama ang expert daw nito na si Ms. Chiqui.

Pahayag ni Robin sa video post na iyun sa kanyang IG account, “Ika-7 ng September 2016 siya si Ms. Chiqui, kami’y nag-aral sa eksperto na ito sa kanyang pagiging dalubhasa sa pagtuturo sa mga magulang kung paano puwedeng maganak ng normal ang magiging ina at baka maaring hindi na gumamit ng anaesthesia.

“Naging napakalalim ng epekto sa akin ng childbirth class na ito dahil sa naipaliwanag niya ang halaga ng asawang lalaki, sa oras ng labor ng asawang babae.

“Ang bawat detalye ay haplos at bigkas ng pagmamahal at pakikiisa sa hirap na pinagdadaanan ng kabiyak.

“Batid ko sa aking isipan na ang paghingi ni @marieltpadilla ng pain reliever ay hindi para sa kanyang pinaghahandaan na sakit sa normal delivery kundi sa bagay na hindi niya napaghandaan, ang maging wala ako sa tabi niya para magawa namin lahat ang mga napag-aralang mga posisyon sa oras ng kanyang labor.”