NI: Rommel Placente
Mapapanood na sa PTV4 mamayang gabi, 8:00, ang pilot episode ng “Saludo..Pagpupugay Sa Bayaning Pilipino.” Ang life story at achievements ng dating PNP general na si Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang mapapapanood dito.
Si Polo Ravales ang gaganap.
Sa presscon ng “Saludo,” tinanong namin si Polo kung anong feeling niya, na siya ang napiling bida sa nasabing drama anthology.
“I’m so happy to be part of the show. Magandang blessing ito, kasi unang buwan ng taon, ito na agad ang naging project ko. I’m very-very happy,” sabi ni Polo.
Paano niya pinaghandaan ang role?
“The day before ako mag-taping, pinanood ko halos lahat ng interviews niya, kung paano siyang magsalita, most of his interviews, nagbi-Bisaya siya. So rito sa ‘Saludo,’ magbi-Bisaya rin ako, may punto rin akong magsalita.
Napag-aralan ko naman nu’ng gabi bago ako mag-taping,” lahad niya.
Natawa rin si Polo dahil sa pelikula ni Robin Padilla ay gumaganap naman siyang bilang kontrabida ni Bato. Siya raw ‘yung Muslim na nang-hostage sa Davao.
“Nu’ng nagsu-shooting kami ni Robin, pinakita ko sa kanya ‘yung picture ko, na nakauniporme. Sabi niya, “Tol, mas bagay pala sa ‘yo.’
“Kasi raw sa katawan ko, halos parehas kami ni Gen. Bato,” kuwento ni Polo na natatawa.
Ang “Saludo” ay prodyus ni Leonora Sy ng LSY Productions.