NI: RONA RONDA
Naglabas ng pahayag ang aktor at supporter ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Robin Padilla. Pormal nang isinara ng ABS-CBN network ang kanilang airing matapos makatanggap ng “cease and desist” order mula sa National Telecommunications Commission (NTC) .
Ayon kay Robin hindi niya nais na tuluyang magsara ang network lalo at naging bahagi na rin siya nito.
Aniya, “Ang nais natin ay pagbabago sa ABS-CBN hindi ang pagsasara nito. Nasa panahon tayo ng humahagupit pa ang mata ng COVID-19 sa labas ng mga bahay natin at nagbabanta na makapasok at manalanta. Hindi po mainam na magtagal ang pagsasaayos ng franchise ng aming network.”
Matatandaan na noong dinidinig sa kongreso ang tungkol sa ABS-CBN franchising, inilabas ng aktor ang nalalaman niya tungkol sa pagtrato ng network sa kanilang mga empleyado.
Gayunpaman, naniniwala ang aktor na kinakailangan ng mga Pilipino ang impormasyon. Pati na rin ang trabaho ng mga empleyado ng network.
“Kailangan ng information ng mga Pilipino sa buong mundo at lalong kailangan ng trabaho ng nasa industriya ng telebisyon at pelikula. Umpisahan na kagyat ang pagdinig dito at unahin harapin ang mga dapat baguhin,” ani Robin.