NOONG kapanahunan nila, sina Shaquille O’Neal at David Robinson ang dalawa sa pinakadominanteng big men sa NBA.
Throwback 1993-94 season, si O’Neal ang higante ng Orlando Magic samantalang si Robinson sa San Antonio Spurs. Big Diesel vs. Admiral.
Hanggang dulo ng regular season ng taong ‘yun, pukpukan ang dalawa sa karera bilang scoring champion.
Halos selyado na ni Shaq ang award bago ang final game ng regular season ni Robinson.
Sumalang sa season finale laban sa Clippers si Robinson na 35 points sa likod ni O’Neal para sa scoring crown.
Naga-average si Robinson noon ng 28.9 points per game, kailangan niyang umiskor ng 35 para agawin ang scoring title.
Nag-deliver ang Admiral ng 71.
Sa kanya halos lahat ng opensa sa bawat play, sinadya pang i-foul ng Spurs ang Clippers para mapabilis ang laro. Taktika ng Spurs para itulak si Robinson sa scoring title.
Sa 71-point output, naging unang player sa NBA si Robinson na nagsumite ng 70 o higit pa sa isang laro pagkatapos ni David Thompson (73) sa pagtatapos ng 1977-78 season para agawan si George Gervin ng scoring crown.
May huling tsansa si Shaq nang harapin ang New Jersey Nets sa season finale niya, kinailangan niyang umiskor ng 68 para manatili sa unahan. Nagkasya lang siya sa 32.
Ipinutong kay Robinson ang scoring crown nang taong ‘yun sa 29.787 average kumpara sa 29.346 ni Shaq. (VE)