Sinalakay kahapon ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang Robinsons Place Manila dahil sa mga stall owner dito na pinapayagang magbenta ng mga pekeng designer bag.

Nasamsam ng NBI ang hindi pa mabatid na dami ng mga pekeng designer bag at iba pang leather goods sa isinagawang pagsalakay dakong alas-dos ng hapon sa ikatlong palapag ng naturang mall na matatagpuan sa Pedro Gil St. kanto ng Adriatico St., Ermita, Maynila.

Nabatid na nagreklamo umano sa NBI ang kinatawan ng kilalang luxury brand na Louis Vuitton at nang makumpirma ng mga awtoridad ang pagbebenta ng mga pekeng designer bag at iba pang leather goods ay kaagad nag-apply ng search warrant sa Manila Regional Trial Court Branch 24.

Sa nasabing pagsa­lakay ay tinangka pa ng isang tindera na umalis sa puwesto nito pero napigilan ng NBI.

Nalaman na may pitong taon na umano na nagbebenta ng mga pekeng produkto ng nasabing luxury brand ang mga stall owner sa Ro­binsons Place Manila.

Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act No. 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines sa Manila Prosecutor’s Office ang mga stall owner na nahuli ng NBI.