Robredo kay Peralta: Ipaglaban ang integridad ng SC

Nanawagan si Vice President Leni Robredo kay Chief Justice Diosdado Peralta na ipagtanggol ang integridad ng Supreme Court (SC) kaugnay sa nakabinbing electoral protest ni dating Senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Sa lingguhang programa nito sa radyo, natanong ang bise presidente kung ano ang inaasahan niya sa chief justice ngayong ito na ang mamumuno sa Presidential Electoral Tribunal (PET) na siyang humahawak sa protesta ni Marcos.

Sinabi ni Robredo na mula nang hirangin ni Pangulong Duterte si Pe­ralta bilang chief justice, maraming naglalabasan na larawan sa social media na magkasama sina Peralta at Marcos at kumukuwestiyon sa impartiality ng punong mahistrado sa electoral protest.

“Pero iyong sa akin, labas ito sa kung ano man iyong affiliations before.

The fact na chief justice siya ngayon, inaasahan natin na ang ipagla­laban niya, hindi naman iyong personal niyang mga preferences, pero ang ipaglalaban niya iyong integrity ng institution,” wika ni Robredo.

Kamakailan lamang ay inatasan ng PET ang kampo nina Robredo at Marcos na magkomento sa petisyon ng dating senador na ibasura ang boto sa Lanao del Sur, Basilan at Maguindanao noong 2016 vice presidential elections. Ito’y matapos mabigo si Marcos sa recount ng boto sa Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental dahil sa lumaki pa ng 15,000 ang boto ni Robredo.