NAKA-SET na sa August 8, Martes ang kasal nina Arthur Solinap at Rochelle Pangilinan sa Los Arboles sa Tagaytay.
Memorable sa magkasintahan ang naturang lugar.
Garden wedding ito na Christian rites, na dream wedding ni Rochelle.
“Gusto ko kasi, malamig, para fresh. Pawisin pa naman ako, kaya ayoko ng beach wedding,” pakli ng dancer/actress.
Ngayong papalapit na ang kanilang pag-iisang dibdib, nagiging emotional si Rochelle.
Hindi napigilang maiyak ni Rochelle nang binigyan siya ng bridal shower dahil sino lang daw ba siya para pag-ukulan ng ganu’ng atensyon.
Kaya kapag natatanong ito tungkol diyan, naluluha siya.
Kahit may natatanggap lang siyang text message na kinu-congratulate na siya at may magandang mensahe, crayola na naman siya.
“Ang dami kasi naming inaayos. Busy kasi utak mo eh.
“Tapos pag may pumasok na message na ‘I’m so happy for you,’ naiiyak na ako,” natatawang kuwento ni Rochelle.
Sabi naman ni Arthur, mabuti na rin ‘yung ninanamnam nila lahat na moment mula sa preparation hanggang sa mismong araw ng kasal, para hindi nila ito makalimutan.
“Maganda rin ‘yung ganu’n. Gusto ko, ma-feel niya lahat. Minsan lang ‘yun, eh.
“Feeling ko, mami-miss naman ‘yan after the wedding. Pati ‘yung preparation, mami-miss namin ‘yun,” saad ni Arthur.
Nandiyan na ang excitement, pero mas kinakabahan si Rochelle pagkatapos ng kasal.
Ang dami-dami niyang iniisip, at ang isa sa kabado siya ay ang mabuntis. Gusto na kasi ni Arthur na magka-baby na sila.
“Marami akong iniisip ‘yung after nu’ng wedding. ‘Yung kaya ko bang maging Mrs. Solinap?
“Tapos, mabubuntis. Kung kaya ko ba ‘yung bigat nu’n. Kung papa’no matutulog, ‘yung ganun,” pahayag ni Rochelle.

Takot kasi siya sa injection, kaya hindi niya maisip kung kakayanin ba niyang managanak.
“Mas winu-worry ko na ‘yung panganganak kesa sa wedding,” natatawa na lang na sabi ni Rochelle.
Pero mas ganado nang magtrabaho si Arthur dahil may paglalaanan na siyang pamilya at baby kung sakali.
Halos lahat na close sa magkasintahan ay bahagi ng entourage, lalo na ang mga kapatid nila sa PPL Entertainment ni Perry Lansigan.
Si Michael Cinco ang gumawa ng wedding gown ni Rochelle at si Randy Ortiz ang gumawa ng suit ni Arthur.