Plano ng Commission on Elections (Comelec) na mag­daos ng “Rock the Vote” concert sa Hong Kong at ilang bahagi ng Pilipinas upang hikaya­tin ang mga botante na gamitin ang kanilang karapatan na pumili ng mga susunod na lider ng pamahalaan sa 2019 midterm elections.

Ayon kay Comelec commissioner Rowena Guanzon, isang paraan ito upang ganahan ang mga botante, partikular ang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Hong Kong, na magtungo sa kanilang mga polling precinct at bumoto.

Si Guanzon ang opisyal na nakatalaga sa overseas voting ng mga migrant workers.

Nababahala si Guanzon dahil 50 porsiyento lang ng 87,000 na OFW rehistradong botante sa Hong Kong ang bumoto noong May 2016 elections kahit pinalawig pa nila nang isang buwan ang pagboto at inilapit ang mga polling precinct sa Bayanihan Center.

Aniya, nangu­nguna ang Hong Kong sa pinakamaraming botanteng OFW sa lahat ng poste ng bansa sa iba’t ibang panig ng daigdig.

Gayunman, nais ni Guanzon na umak­yat sa 60 porsiyento ang mga bobotong OFW sa Hong Kong sa halalan sa susunod na taon.

Batay sa record ng Philippine Consulate sa Hong Kong, mga kababaihan ang mayorya ng mga botante rito na umaabot sa 70,080.

“It’s very important that the voters understand how important this election is for them, especially because they are women and they are the ones who earn income for their fa­milies and households,” ayon sa opisyal.