Rockets panalo kahit malas si Harden

Rockets panalo kahit malas si Harden

Sablay sa unang 15 bitaw si James Har­den pero bumawi sa fourth quarter nang ilista ang 14 sa kanyang 22 points para giyahan ang Houston Rockets sa 104-101 panalo kontra Utah Jazz, Sabado ng gabi.

Lamang na ang Rockets 3-0 sa kanilang Western Conference first-round playoff series, puwede nang walisin ang Jazz sa Game 4 sa Martes (araw sa Manila) sa Utah.

Kahit inaalat sa umpisa, wala raw inisip si Harden kundi umatake.
“Keep shooting. Keep being aggressive,” aniya. “My job is to go out there and produce. Be aggressive and in attack mode.
Nothing changes.”
Walang nagawa ang Jazz, dahil kapag hindi nakakatira si Harden ay pumapasa naman.

“The best thing you can do with him is just try to make it hard for him,” bulalas ni Utah coach Quin Snyder. “Even when you do that, there’s times where he’s going to make plays.”

Nagbaon ng 3-pointer si Harden at dinagdagan ng dalawang free throws 42.4 seconds na lang tungo sa 101-97 Houston lead. Pagkatapos ng dalawang charities ni Donovan Mitchell, sablay ang 3 ni Harden, pero hinablot ni PJ Tucker ang rebound, na-foul at ipinasok ang isang free throw.

Wide open ang 3-point attempt ni Mit­chell sa sumunod na posesyon ng Jazz pero malayo sa target.

Umayuda si Paul ng 18 points, may 11 points at 14 rebounds si Clint Capela, at tumapos si Tucker ng 12 points at 10 rebounds para sa Rockets.

Nagsumite si Mitchell ng 34 points pero 9 of 27 lang mula sa floor para sa Utah.

May pinagsamang 72 free throws ang magkatunggali, halos bawat pito ay may bumabalentong sa sahig. (VE)