Pinatawan ng 90 araw na suspension ­order ng Sandiganbayan si Quezon City Councilor Roderick Paulate kaugnay sa kinakaharap na graft case na nag-ugat sa pagkakaroon umano nito ng 30 ghost ­employee.

Batay sa desisyon ng Sandiganbayan 7th Division, inatasan ng anti-graft court si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año para ipatupad ang suspension order at magsumite ng report sa loob ng limang araw.

Nakasaad sa suspension order na pinatitigil ng Sandiganbayan si Paulate sa pagtupad ng tungkulin nito at pagtamasa ng mga pribilehiyo ng kanyang posisyon bilang miyembro ng Sangguniang Panlungsod o ng kahit na ano pa man na puwesto sa gobyerno sa loob ng 90 araw.

Si Paulate at ang kapwa akusado na si Vicente Esquilon Bajamunde, na kanyang liaison officer, ay sinampahan ng reklamo dahil sa pagbabayad umano ng P1.1 million sa 30 ghost employee na isinama sa payroll noong 2010.