Lumangoy pa ng 2 gold medal si Fritz Jun Rodriguez para maging makinang ang pagwawakas na kampanya ng Pilipinas na kinakatawan ng Davao at Palawan, sa pagpinid ng kurtina kahapon ng 10th Brunei-Indonesia-Malaysia-Philippines-Northern Territory-East ASEAN Growth Area 2018 Friendship Games sa Hassanal Bolkiah National Stadium sa Bandar Seri Begawan, Brunei.

Nakipkip ng swimming ang pananalasa sa ginto sa kabuuang 4 na nasisid bukod pa sa 1 silver ni Rodriguez sa 5 araw na patimpalak na pagkakaabalahan ang ika-11 edisyon sa 2020 ng bansa sa Davao City.

‘’I gave it all,’’ namutawi sa 5-foot-9 tanker na bagong pirata ng San Beda College College para sa laban sa may 10-eskuwelahang National Collegiate Athletic Association na nasa ika-95 na taon na sa 2019.

Tagumpay si Rodriguez, 17, ng Davao City sa men’s 50-meter butterfly sa hinulmang 26.72 segundo saka ginalamay ang men’s 4×50-m medley relay sa pagdaig sa Northern Territory-Australia para sa primero. Ang tangi niyang silver ay sa 4x50m freestyle relay.

Unang mga natangay niyang mga pangu­nahing karangalan ang 50m at 100m breastrokes para sa kabuuang 12-11-14 unofficial overall medal tally ng bansa sa likod ng Sabah-Malaysia na nag-19-13-10 at NT-Australia na naka-14-11-7.

Humabol sa huling ragasa ng mga Pinoy si Lora Micah Amoguis na nagningning sa women’s­ 200m backstroke sa oras na 2:35.61, may silver pa siya sa 200 individual medley.

Hindi nagpaiwan si 400m dash winner John Lloyd Cabalo ng Puerto Princesa City sa pagtakbo rin ng gold sa 800m sa personal best na 1:57.59 ng National University grade 12 student, binulilyaso si Massa Syamsuddin ng South Sulawesi-Indonesia.