Rolito Go ‘di kasama sa pinasusuko — Guevarra

Naniniwala si Justice Secretary Menardo Guevarra na hindi dapat kasama sa listahan ng mga tinutugis ng tracker team ng Philippine National Police (PNP) ang convicted killer na si Rolito Go.

Sa panayam ng ABS-CBN News Channel, nilinaw ni Guevarra ang estado ng paglaya ni Go na sa kanyang pagkakaalala ay na-commute na ang sentensiyang reclusion perpetua sa kasong murder at napagsilbihan na ito sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).

Dahil dito, sinabi ni Guevarra na hindi na dapat nagpadala pa ng tracker team ang PNP sa bahay ni Go sa Quezon City.

Si Go ay nakulong dahil sa pagpatay sa De La Salle University student na si Eldon Maguan sa isang road rage incident noong 1991.

Disyembre 2016 nang makalaya si Go matapos magdesisyon ang Korte Suprema na pagtibayin ang resolusyon ng Court of Appeals at Muntinlupa Regional Trial Court na pumapabor sa petisyon ng habeas corpus ni Go at asawang si Elsa.

Kasabay nito ay nanawagan ang Department of Justice (DOJ) at Department of Interior and Local Go­vernment (DILG) sa kapulisan na pansamantalang ihinto ang pag-aresto sa mga presong pinalaya dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law habang inaayos pa nila ang listahan nito. (Lorraine Gamo)