Sa darating na Martes (Nobyembre 26) posibleng may pagbawas sa presyo ng mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa.

Base sa report ng ilang mga oil company, posibleng may bawas sa presyo ng gasolina na nasa P0.30 hanggang P0.40 kada litro, may rollback din sa diesel na tinatayang nasa P0.10 hanggang P0.20 kada litro at maging sa presyo ng kerosene na maglalaro naman sa P0.10 hanggang P0.20 kada litro.

Base sa report ng Department of Energy (DOE), sa oras na matupad ang pagbawas sa presyo ng mga produktong petrolyo, ito ay nasa ika-9 na sunod na linggo na.

Bukod pa rito, sa nakalipas na walong linggo, nasa P2.60 kada litro ang kabuuang pagbaba sa presyo sa diesel simula pa noong Oktubre 1 ng taong kasalukuyan.

Ang nakaambang na pagbaba sa presyo sa produktong petrolyo ay bunsod ng paggalaw sa presyuhan nito sa pandaigdigang pamilihan.(Armida Rico)