Nararapat na umakto sa lalong madaling panahon ang LTFRB sa paggulong pabalik ng naaprubahang dagdag-pamasahe lalo na sa mga bus.

Nararapat sa kadahilanang maraming umaaray sa sobrang taas na ngayon ng pamasaheng probinsya sa mga bus. Ayon sa ating impormante, na madalas bumiyahe patungo at pabalik sa Sta. Cruz, Laguna, halos P40 na diumano ang inakyat ng pamasahe roon, na tiyak ganu’n din ang nangyayari sa ngayon sa iba pang biyaheng probinsya.

Sang-ayon ang Moto Rista sa kalagayan ng mga jeep na gawing P10 ang minimum sa kadahilanang hirap na din ang mga tsuper dahil ilan lang naman ang nilalaman ng isang jeep kumpara sa mga bus.

Nararapat usisain ng LTFRB ang bus companies sa idinagdag pasahe ng mga ito lalo na ngayon na nasa ika-anim na sunod nang nag-rollback.

Ayon pa ating impormante, nararapat na maglabas ang LTFRB ng panibagong taripa para sa mga bus dahil may posibilidad na inaabuso na ito.

Halos may P10 na ang nabawas sa dating presyo kada litro ng diesel at iba pang uri ng petrolyo kung kaya’t sa ganang akin, hindi na makataru­ngan na magpatuloy pa ng kahit na isang araw ang kasalukuyang singil ng mga bus.
Pinag-aaralan diumano ng LTFRB kung papano masasawata ang inaprubahan nitong fare adjustment.

Ngunit sa tingin nating mga ka-Moto, mas makabubuti sa lahat ng stakeholders kung pansamantalang ipapatigil muna ng LTFRB ang dagdag-pasahe. To God be the glory.