Rollback sa langis kasado sa Martes

Inaasahang magkakaroon ng panibagong pagtatapyas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa pagpasok ng linggo makaraang ipatupad noong nakalipas na araw ng Martes ang pagtataas ng bahagya sa halaga ng diesel at gasolina at pagbabawas naman sa kerosena.

Batay sa pagtaya ng isang source mula sa Department of Energy (DOE), posibleng bumaba ang presyo ng diesel sa halagang P1.10 hanggang P1.30 kada litro habang P0.50 hanggang P0.70 sentimos sa gasolina at diesel na malamang na maging epektibo sa araw ng Martes.

Noong nakaraang linggo lamang, nagpatupad ang mga ng langis sa bansa ng pagtataas sa presyo ng gasolina at diesel habang tinapyasan naman ang kerosena makaraang mapaulat na nagkasundo ang mga oil producing countries, kabilang ang Russia, na magbawas ng 10 milyong bariles kada araw ng produksyon sanhi ng patuloy na pagbagsak ng halaga ng langis sa pandaigdigang pamilihan na dulot na rin ng corona virus disease (COVID-19).

Wala pang anunsiyo ang mga malalaki at maliliit na mga kompanya ng langis sa bansa kung magkano ang itatapyas nila sa kanilang mga produktong petrolyo bagama’t inaasahang ngayon araw ay mag-aabiso na sila ng panibagong pagbabawas sa presyo ng kanilang produkto.(Edison Reyes)