Romasanta, Cayetano itinalaga ng POC

By Lito Oredo

Muling itinalaga si Jose “Joey” Romasanta bilang chef de mission sa 2020 Tokyo Olympic Games habang opisyal na iniupo si dating Department of Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano upang partikular na mamuno lamang sa isasagawa sa bansa na 2019 Southeast Asian Games.

Ito ang sinabi ni POC Media Bureau chief Ed Picson matapos na ipasa Biyernes ng hapon ang mga resolusyon para sa opisyal na pagtatalaga ng mga personahe na magpapatakbo sa ika-30 edisyon ng SEA Games ngayong 2019 at ang mamamahala sa kampan­ya ng Pilipinas sa Tokyo Olympics sa 2020.

Ipinasa ng POC ang kailangang resolusyon na kinukumpirma ang pagtatalaga kay Caye­tano bilang pinuno ng bubuo sa organizing committee na para lamang sa pagsasagawa ng SEA Games habang binibigyan nito ng awtoridad ang POC president na si Ricky Vargas upang makipag-usap at makipagpareha sa dalawa pang malaking ahensiya na kasangkot sa pagho-host ng bansa sa kada dalawang taong torneo.

Inihayag ni Vargas ang mga desisyon matapos tawagan at makipag-­usap kay Caye­tano sa naging mainitan na Executive Board meeting sa POC headquarters sa Philsports.

Nakasaad sa Memorandum of Agreement na ipinasa ng POC na maaaring makipag-usap ang pribadong grupo sa Philippine Sports Commission gayundin sa Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC).