May bagong import-stopper ang Magnolia Pambansang Manok Hotshots – si Rome dela Rosa.
Ang fourth-year guard/forward ang itinapat ni coach Chito Victolero para bulabugin ang eksplosibong si Justin Brownlee.
Hindi man buong-buo na napigilan ni 6-foot-3 Dela Rosa ang Ginebra import, nag-iba naman ang tira nito at pinaghirapan ang lahat ng puntos.
Resulta: 3-1 win ng Hotshots sa semifinals, at pumalaot na sila sa championship round ng season-ending PBA Governors’ Cup.
Makakasalpukan ng Magnolia ang Alaska sa best-of-seven series na sisiklab sa Dis. 5 sa MOA Arena.
Hindi buong larong magbabantayan sina Romeo Travis ng Hotshots at Mike Harris ng Aces, dalawang masipag na imports na parehong kaya ring umiskor.
“Malamang, si dela Rosa din ang kukuha kay Harris minsan,” pahayag ni Rene Pardo, kinatawan ng Magnolia sa PBA board.
Panghalili na siyempre ang iba pang bigs ni Victolero tulad nina Ian Sangalang at Rafi Reavis.
Posibleng si Vic Manuel naman ang ipambubulabog ni Compton kay Travis.
Sa Game 4 kontra Ginebra, nagpasabog si Travis ng PBA career-high 50 points. Markado ‘yun ni Manuel, kaya inihahanda na ng ‘Muscle Man’ ang sarili.