Romeo, Blakely dumiskarte, TNT tinuklap ang NorthPort

Nakontak ng bagong tandem nina coach Bong Ravena at consultant Mark Dic­kel ang follow-up win ng TNT KaTropa nang umahon mula 23 points para agawan ng panalo ang NorthPort 104-102 sa Smart Araneta Coliseum kagabi.

Angat ang Texters sa 4-4 win-loss record sa PBA Governors’ Cup.

Nagliliyab sa first two quarters ang Batang Pier, lumayo ng hanggang 60-37 bago pumasok sa break na hawak ang 64-43 lead.

Kampante pa sa unahan ang NorthPort pagkatapos ng three 87-71, pero nagising si Marqus Blakely sa fourth para ibalik sa laro ang Texters.

Nambarako ng 15 points si Blakely sa final period, sinegundahan ng 9 ni Terrence Romeo at na-outscore ng TNT ang Batang Pier 33-15.

Ibinuhol ng back-to-back 3s ni Romeo ang iskor sa 96-96 pagpasok lang ng 3-mi­nute mark. Sumagot ng driving layup si Sean Anthony sa kabila, bago sinubuan ni Romeo si Don Trollano sa labas ng arc para lumamang 99-98, 1:49 pa.

Huling tumabla ang NorthPort 102-102 sa basket ni Paolo Taha 15 ticks na lang, pero ma­kalipas ang 9 seconds ay binasag ng driving layup ni Blakely. Hindi na nakaporma ang Batang Pier sa huling posesyon.

Nagsumite si Romeo ng game-high 25 points mula sa 6 for 9 shooting sa labas ng arc.

Sa ikalawang laro, naging sandigan ng Magnolia Hotshot ang jump shot ni Paul Lee sa huling 34 segundo para ihatid ang gahib­lang 109-108 panalo laban sa San Miguel. Bumatak ng 28 points, 3 rebounds, 3 steals si Lee para tuldukan ang 4-1 kartada ng Pambansang Manok.

Nabalewala ang buena manong pagla­laro ni Kevin Murphy sa San Miguel, kapalit ng napilay na si AZ Reid, na pumukol ng 37 points, 10 rebounds at 7 assists.