Hangad ng San Miguel Beer na muling makasama agad ang bagong recruit na si Terrence Romeo na patuloy na nagpapagaling sa kanyang ankle sprain na natamo sa unang laro ng Beermen noong Miyerkoles kontra Columbian Dyip sa PBA Philippine Cup elims.
“Day to day ang injury ni Terrence,” sabi ni San Miguel Beer Governor Robert Non. “Puwede siya payagang palaruin at puwede ring hindi. Ayaw subukan ng mga tumitingin sa kanya kasi baka lalo mapuwersa at mas tinitingnan nila iyung mas matagal siyang makakalaro.”
Hindi nakalaro si Romeo sa huling laban ng Beermen kung saan tinalo nito ang kapatid na Ginebra.
Ayaw din ni Beermen Coach Leo Austria na madaliing makabalik si Romeo dahil mas kakailanganin nito ang serbisyo ng point guard sa kampanya ng koponan para sa ikaanim na sunod na korona sa all-Pinoy.
Sakaling hindi payagan na makalaro ng dalawang sunod na game ay malalampasan ni Romeo ang pagkakataon na makaharap at makabawi sa kanyang dating koponan na TNT KaTropa sa susunod na Linggo.
Matatandaan na inilipat ng TNT si Romeo sa San Miguel sa offseason kapalit nina David Semerad, Brian Heruela, at future first round pick.
Nagtala naman si Romeo ng pitong puntos para sa Beermen sa loob ng 12 minuto bago nagka-sprain kontra Columbian.