Kilalang pasaway at sakit ng ulo sa labas at loob ng hardcourt, handa umanong tanggaping ng buong puso ni San Miguel Beer coach Leo Austria ang eksplosibong guard na si Terrence Romeo.

Hinihintay na lamang ng San Miguel Beermen ang approval ng PBA Commissioner’s Office na magdadala kay Romeo sa San Miguel kapalit nina Brian Heruela, David Semerad at 2020 first round pick.

Sabi ni coach Leo, walang masamang tinapay sa kanya kayang-kaya niyang ‘lunukin’ si Romeo bilang player at bilang indibidwal.

“As a player, unahin muna natin ang mga magagandang ano sa kanya, dahil si Terrence, alam natin especially noong naglaro siya sa Gilas, he’s one of the most admired player sa Gilas at the time,” sabi ni Austria sa report na lumabas sa website ng ABS-CBN.

“And with his talent, hindi mawawala sa kanya ‘yun. Any team naman, nangangailangan ng tulad ng talent niya.”

Nagsimula si Romeo bilang fifth overall pick sa 2013 PBA season para sa koponang GlobalPort bago nai-trade sa TNT pagkatapos ng apat na seasons.
Pero kay Austria, hindi na mahalaga ang nakaraan ng isang player.

“Everybody naman sa akin, kung sino duma­ting, welcome ‘yan. And along the way, makikita mo kung talagang para sa amin o hindi,” ayon pa sa coach.