Pagkaraan ng anim na taon sa PBA, may championship ring na si Terrence Romeo.
At mayroon siyang ‘di nakalimutang i-shoutout: ang kanyang haters.
“Lahat ng haters ko, mag-ingay!” bulalas ng 27-anyos na guard tapos ng 72-71 win ng San Miguel Beer kontra Magnolia Pambansang Manok sa Game 7 ng Philippine Cup Miyerkoles ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Maraming bashers si Romeo, sinasabing ‘di raw siya mananalo ng championship sa PBA. Mula nang tapikin siyang No. 5 overall pick ng GlobalPort noong 2013, mailap ang titulo.
Nalipat siya sa TNT April ng nakaraang taon, pagkatapos ng season ay nai-trade sa San Miguel.
Ayaw siyang tantanan ng mga nambabaterya sa kanya. Three-time scoring champion ang 5-foot-11 guard mula FEU habang nasa Batang Pier pa, pero pinupuna ang dami rin ng bitaw niya sa field.
Sa kanyang haters, kay Romeo ang huling halakhak.
“Parang gusto kong sabihin sa kanila ngayon na paki-message ako ulit,” dagdag niya. “At sa pose ko ‘nung picture (may trophy), paki-message ako ulit at sabihin nila lahat ng gusto nila.”
Paglipat niya sa San Miguel noong December, tinanggap ni Romeo ang supporting role kina Alex Cabagnot, Chris Ross at Marcio Lassiter.
Pero sinakripisyo niya ang nakasanayang laging sa kanya ang bola.
Sa deciding game, may 4 points lang mula 2 of 9 shooting si Romeo. Pero may 7 rebounds at 3 assists habang inubos ang halos 23 minutes niya sa loob sa pambubulabog sa makukulit na guards ng Hotshots na sina Mark Barroca at Jio Jalalon.
Pang-26 na titulo ng San Miguel, una ni Romeo. Dati ay sa liga sa mga kanto lang daw siya champion, kahit sa UAAP ay ‘di niya nakuha habang nasa FEU.
“Ito ang first championship ko simula maging basketball player ako. Sa barangay lang ako nagtsa-champion,” bulalas niya. “Simula high school, college, D-League days, lahat. Ito ‘yung unang championship ko, sa PBA ko nakuha.”
Tapos magbagsakan ang confetti, hinanap ni Arwind Santos si Romeo para bulungan na siyang magtastas ng net.
Kararating lang sa San Miguel, nabanggit ni Romeo na malamang mag-retiro siya kapag nakuha na ang una niyang championship.
“Biro lang ‘yun,” mabilis niyang sagot, natatawa. (Vladi Eduarte)