Pisikalan ang unang pakikipagtapat ni Terrence Romeo sa dating team na GlobalPort, pati si TNT Ka­Tropa coach Nash Racela ay nagbabalak nang dumulog sa tanggapan ni PBA Commissioner Willie Marcial.

“It’s nice that the PBA is allowing some levels of physicality, but if it gets to a point where players intentionally hurt each other, then we should all question that,” hayag ni Racela pagkatapos kubrahin ang unang panalo ng TNT sa PBA Commissioner’s Cup.

Mainit, puno ng contact ang 128-114 win ng Texters at ni Romeo Linggo ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Kulang 4 minutes bago ang halftime, natawagan ng flagrant foul 1 si Batang Pier import Malcolm White nang sikuhin sa leeg at itulak si TNT defender Jessie Saitanan habang nagpupuwestuhan sa ilalim. Kinaila­ngang maupo ng 5 minutes ni White habang naghahabol ang kanyang team 50-36.

Pagkatapos niyon, si Romeo at dating kakamping si Kelly Nabong naman ang nagsagutan.

Bago natapos ang laro, ang hindi naman umiimik na premier guard ng Texters na si Jayson Castro ang nakitang nakikipagsagutan kay Joseph Gabayni ng GlobalPort.

“I think there were really unnecessary actions in some possessions, so I think the Commissioner has to look at,” dagdag ng TNT coach. (Vladi Eduarte)