May bagong pakulo si NorthPort owner Mikee Romero, ito ay ang mungkahing pagbabawal sa mga foreign player na maglaro sa mga collegiate league.

Paliwanag ni 1 Pacman Representative Romero, ito ay para sa espiritu ng fair play at para na rin mas ma­bigyan ng oportunidad ang mga local player sa mga liga.

Isa pa sa mga dinahilan ni Romero ay ang winless record ng Gilas Pilipinas sa 2019 Fiba World Cup, na kung ti­tingnan ay wala namang epekto dahil puro pro player ang naglaro sa national team.

Marami ang pu­malag sa suhestiyon ni Romero, ang iba ay tinatawag pang ‘racist’ ang nasabing resolusyon.

‘Di na bago ang naisip ni Romero, sa NCAA ay ‘di na papayagan ang mga foreign player sa susunod na season.

Kung pupuwede naman na maging ganoon na lang ang setup, dapat ay hayaan na lang ni Romero ang kanya-kanyang liga na magtalaga ng sarili nilang regulation dahil kung titingnan, ‘di na dapat pang problemahin ng Kongreso ang ganitong uri ng mga ‘problema’.

At marami rin namang naitutulong ang mga foreign player sa mga collegiate league.

Mataas na lebel na kompetisyon ang hatid ng karamihan ay African player sa amateur ranks na natural na kahinaan ng mga manlalarong Pinoy dahil salat sa katangakaran.

May ilan ding mga sumikat na foreign player na nadiskub­re sa mga collegiate league, isa na rito si Ben Mbala na star player ng Cameroon national team.

Ngayon ay naka­hanap ang Pilipinas ng posibleng maging naturalized player na si Ange Kouame ng Ateneo, na noong makausap ko minsan ay game namang maglaro para sa bansa.