Tatlong taon makalipas ang diumano’y pagsabotahe sa campaign caravan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016 presidential elections, binatikos ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ang angkan ng mga Romualdo sa Camiguin.
Sa kanyang pagsasalita sa campaign rally ng Hugpong ng Pagbabago sa Mambajao, Camiguin nitong Lunes, hindi umano ikinatuwa ng alkalde nang malaman na ipinagkakalat ng kampo ni dating gobernador at ngayon ay Mambajao Mayor Jurdin Jesus ‘JJ’ Romualdo na nagkasundo na ito at ang Pangulong Duterte makalipas ang tatlong taon matapos ang diumano’y pananabotahe ng mga ito sa campaign sortie ng kanyang ama sa naturang probinsya noong Marso 2016.
“(Sino bang hindi maiinis, ‘yun bang magpa-picture sila, tapos lalapit ka. Tapos, sasabihin niya na may picture na kami. Magkaibigan na kami,” sabi ni Mayor Sara sa mga tao sa salitang Cebuano.
“Pagkatapos ‘yung partido na sinalihan mo, hindi naman ‘yun ang kinalaban mo. Partido ‘yun ni Pimentel, hindi ‘yun partido ni Duterte, ‘di ba?” ayon kay Mayor Sara.
Ginunita rin ni Mayor Sara ang aniya’y masamang karanasan nila sa Camiguin noong nangangampanya pa lamang si Pangulong Duterte.
“Alam ninyo, hindi nakakatuwa ‘yung nangyari dito noong 2016. Wala naman sigurong problema kong mag-oppose ka. Wala naman problema kung ayaw mong sumuporta sa kandidato. Pero kung patayan mo ng kuryente ang rally, batuhin mo ng bato ‘yung mga kababayan mong sumama sa rally, lagyan mo ng spike ang kalsada para mabutas ang gulong ng gma aksali sa rally at convoy,” ani Mayor Sara. (JC Cahinhinan)