Tengga muna sa Portugal si Cristiano Ronaldo, hindi babalik ng Italy sa gitna ng coronavirus pandemic matapos magpositibo sa COVID-19 ang teammate niya sa Juventus na si Daniele Rugani.

Umuwi ng Portugal si Ronaldo para bisitahin ang ina na na-stroke. Naroon pa siya nang makumpirma ang sakit ni Rugani.

Mananatili muna ang soccer star sa Madeira.

Italy ang pinakamatinding tinamaan ng coronavirus sa Europe, may 12,000 cases na naitala at higit 827 na ang namamatay.

Nakunan ng larawan sina Rugani at Ronaldo, kasama ang ilang teammates, sa Juventus dressing room pagkatapos ng talo sa Internazionale noong Linggo.
Kailangan nang i-isolate ang lahat ng nagkaroon ng contact sa 25-year-old defender.

Kinumpirma ng Juventus nitong Miyerkoles ang positive test sa COVID-19 ni Rugani.

“The footballer Daniele Rugani has tested positive for Coronavirus-COVID-19 and is currently asymptomatic,” anang statement ng team.

Sinuspinde na ang lahat ng sport sa Italy, pinakamaagang balik ay April 3, dahil sa outbreak.

Inamin ng Italian football federation FIGC na malamang ay hindi na ituloy ang Serie A season. (VE)