Rondina, Dela Cruz angasan sa playoffs

Rondina, Dela Cruz angasan sa playoffs

Magkakatapatan ng tapang at galing sa playoffs sina rookie Jolina Dela Cruz ng defending champions La Salle Lady Spikers at ace hitter Cherry Ann Rondina ng Sto. Tomas Golden Tigresses mamayang alas-3:30 nang hapon para pagpasyahan ang sisikwat ng 2nd seed sa UAAP Season 81 women’s volleyball tournament playoffs sa FilOil Flying V Centre sa San Juan City.

Bago dumiretso sa semifinals, maghaharap muna ang dalawang panig na may identical na 10-4 record para paglabanan ang twice-to-beat advantage. Sila rin ang tokang magtuos sa Final Four.

Matatandaang nabigo ang three-time champions na masolo ang second seed nang malugmok kontra FEU Lady Tamaraws noong Linggo.

Hindi sapat ang naging 22-point output ni Dela Cruz sa nasabing laban.
“Mabigat po, mabigat po ‘yung pagdadaanan namin,” pahayag ni Dela Cruz sa pakikipagkita sa USTe. “Siguro po plan din po ni Lord para mag-work hard pa kami.”

Winakasan naman ng España-based squad ang second round eliminations sa pagkatay sa NU Lady Bulldogs noong Sabado lang.

Pinasan ni Rondina ang kanyang koponan sa kinayod na 21 points.
Mas lalo pang determinado ngayon ang Cebuana open spiker upang makamit ang kampeonato.

“Sabi nga natin, bilog ang bola. Kami pa rin ‘to, walang mababago. Maglalaro kami nang may pinagla­laban, lalong-lalo na sa goal namin na gusto naming makamit noon pa,” wika ni graduating Rondina. (Janiel Abby Toralba)