palo sa top 2

Maglalabasan ng kani-kanilang malulupit na sandata ang Petron at Generika-Ayala para paglabanan ang solo second sa 7th Philippine Superliga 2019 All-Filipino Conference preliminaries.

Nag-aagawan sa fifth wins para sa No. 2 sa team standings ang Blaze
Spikers at Lifesavers na ta-ngan ang tig 4-1 records tungo sa alas-4:15 nang hapong hambalusan sa Bacoor Strike Gym sa Cavite.

Nagtala muna ng dalawang sunod na panalo ang Petron bago nakatikim ng pagkatalo sa lider at wala pang talo sa anim na salang na F2 Logistics.
Pero bumangon agad at humataw ulit ng dalawang dikit na panalo ang batalyon ng gasolina.

“I’m glad that the team chose to stay together after that loss. That’s why we were able to recover in our previous game,” saad ni Petron coach Ceasael ‘Shaq’ delos Santos.

Muling sasandalan ng Blaze Spikers sina Cherry Ann Rondina, Aiza Maizo-Pontillas, Mika Reyes at Remy Palma.

Ibabandera naman ni Generika coach Sherwin Meneses sina Fiola Ceballos, Patty Orendain at Angeli Araneta para makuha ang inaasam na panalo sa midseason tournament.

Magsasalpukan naman sa pangalawang laro sa alas-siyete nang gabi ang running-fourth Foton (3-3) at pumapanlimang Cignal (2-3) na nasa tatlong dikit na taob. (Elech Dawa)