Pinagmulta ng P200 ng Quezon City Metropolitan Trial Court Branch 34 ang umano’y dating nobyo at driver ni Senador Leila de Lima matapos itong i-cite for indirect contempt dahil sa pagtanggi na tumestigo laban sa mambabatas.
May kaugnayan ang kaso sa disobedience to summons na isinampa laban kina Ronnie Dayan at De Lima nina dating House Speaker Pantaleon Alvarez, Ilocos Norte Rep. Rodolfo Fariñas at Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali matapos makailang beses na hindi dumalo noon sa pagdinig ng Kamara sa drug case ng senadora.
Ayon kay Atty. Filibon Tacardon, abogado ni De Lima, sa pagdinig ng korte kahapon ay iginiit ni Dayan ang kanyang right against self-incrimination at nanindigang hindi tatayong testigo.
“Naupo na si Ronnie Dayan sa witness stand, ayaw niyang magtestigo. So obviously, napilitan lang siya maupo. At hindi siya napilit ng husgado na sagutin ‘yung mga tanong ng prosecution. Pero dahil dito, cinite si Ronnie Dayan in contempt. Kung magtestigo siya sa kaso ni Senator De Lima, siguradong maiipit siya sa mga paratang sa kanya,” paliwanag ni Tacardon.
Wala namang nakikitang epekto si Tacardon sa kaso ni De Lima sa hindi pagtestigo ni Dayan. Aniya, noon pa man ay alam na nila na hindi tetestigo si Dayan.
Ang disobedience to summons ay may parusang pagkakakulong ng isa hanggang anim na buwan at multa na P200 hanggang P1,000.