Basag na ang Extra Rice, Inc. frontcourt partnership sa Rain or Shine nang kumalas si JR Quinahan sa Elasto Painters para lumipat sa GlobalPort kapalit ni Jay Washington ilang araw na ang nakakaraan.
Kasabay niyon, hindi luminaw agad ang estado ng tag team partner ni Quinahan na si Beau Belga sa RoS.
Pero kahapon, nakumpirma na may kalahati sa Extra Rice, Inc duo na mananatili sa E-Painters.
Kasama ng agent niyang si Danny Espiritu at sa harap ni Rain or Shine team manager Atty. Mert Mondragon, pumirma si Belga ng panibagong kontrata para manatili sa Painters.
Katumbas nito ang league maximum total na P15.2 million sa susunod na tatlong taon.
Nag-expire ang dating kontrata ng dating PCU big man na si Belga noong Sept. 30, hinainan na siya ng parehong kondisyon pero hindi sumipot sa unang tinakdang contract signing.
Ayon sa isang source, pinag-isipan daw muna ni Belga ang kanyang options bago nag-desisyon na manatili sa team na sinalihan niya noong 2011.
“He consulted his family, his wife Queenie, and other people na malapit sa kanya,” anang source. “And then ultimately napag-isip-isip niya na okay naman ang offer ng management.”
Inaasahang makakasama na si Belga sa training ng Painters ngayon sa ilalim ni new coach Caloy Garcia.
Dalawang linggo na ang nakakaraan, tumawid si Yeng Guiao mula sa Rain or Shine team na giniyahan niya sa dalawang titulo huli sa nakaraang Commissioner’s Cup para lumipat sa NLEX.
Kasabay ni Quinahan na nai-trade si combo guard Paul Lee sa Star kapalit ni James Yap.