Rosario, Jones swak na pakners

Rosario, Jones swak na pakners

Swak na swak si Troy Rosario bilang frontcourt partner ni Terrence Jones, kita ang resulta sa pananalasa ng TNT KaTropa sa playoffs ng PBA Commissioner’s Cup.

Mahalaga ang papel ni 6-foot-7 Rosario sa magkabilang dulo ng court kaya naligtasan ng KaTropa ang upset axe ng Alaska sa quarterfinals.

Pagdating ng semis, nakikipagsabayan naman ang 27-anyos na forward sa bigs ng Ginebra.

Nasa unahan ng atake ng TNT sa tatlong sunod na panalo mula July 22-28, tinanghal si Rosario bilang PBA Press Corps-Cignal Player of the Week.

Pinamunuan ni Rosario, second pick overall noong 2015 mula National U, ang TNT locals sa scoring sa average na 20.0 points, may palamuti pang 7.3 rebounds, sa tatlong laro.

Pasabog siya ng 24 points mula 5 for 8 shooting sa 3-point range, may 10 rebounds pa sa 95-92 win sa Ginebra sa series opener.
Tinalo ni Rosario sa weekly citation sina teammates Jayson Castro at Roger Pogoy. (VE)