Umaga ng Easter Sunday, inilabas ni PBA star Troy Rosario ang kanyang van sa garahe at binaybay ang daan patungong Commonwealth Avenue sa QC.
Puno ang sasakyan ng kahon na naglalaman ng goody packs.
Kasama ng 28-anyos na forward ng TNT at Gilas ang pamilya na namigay ng goodie packs sa mga homeless.
“Tinarget namin ‘yung mga homeless,” lahad niya. “Mga natutulog sa sidewalk, ‘yung iba namumulot ng kalakal.”
Paraan na aniya ‘yun para makatulong ngayong panahon ng coronavirus disease 2019, lalo’t na-extend pa ng hanggang April 30 ang enhanced community quarantine.
“Right now, I just want to do my part to help people na walang-wala dahil naapektuhan ng crisis,” ani Rosario.
Ramdam niya rin aniya ang pinagdadaanan ng mga walang-wala.
“Alam ko ‘yung pakiramdam na wala ng mahugot at maipambili ng pagkain,” dagdag ng dating NU star.
Ayaw ipagmalaki ni Rosario ang munting tulong na ginawa, pero umaasa siyang napasimulan niya ang hakbang na susundan din ng iba.
“Posting this not to brag, but inspire others,” panapos niyang wika.
Una lang aniya ‘yun, inihahanda na ng pamilya Rosario ang susunod na ayuda. (VE)