Lucky charm daw ni Troy Rosario ang kanyang protective black mask.
Sa kanyang season debut, nagsuot ng mask si Rosario para protektahan ang nabaling ilong sa isang tune-up game bago magbukas ang PBA Philippine Cup.
Nag-deliver si Rosario ng 22 points, 5 rebounds, 1 assist at 1 steal sa loob ng 28 ½ minutes para tulungan ang TNT KaTropa sa 104-93 sorpresang panalo sa San Miguel Beer Linggo nang gabi sa Smart Araneta Coliseum.
“Mukhang suwerte nga,” wika ni Rosario paglabas ng dugout, patungkol sa hawak niyang mask. “First time kong makabalik sa conference. Mabuti, tumama mga tira at nakatulong ako sa team.”
Sa 13 bato ni Rosario, 12 rito mula sa 3-point range at anim ang pumasok.
Napabilis pa ang balik ni Rosario, dahil nang matanong sa opening day ng season noong Jan. 13 ay nabanggit niyang February pa siya makakabalik.
Nape-pressure na raw siya sa sarili na makatulong sa team na nagsimula sa 0-2 pero kumontak ng back-to-back wins tungo sa 2-2 overall kaakbay ang SMB at Columbian Dyip.
“Nakakatakbo naman ako, nakakapag-shooting. Kaya parang nag-decide na rin ako na sabihin sa mga coach na puwede na ako (maglaro),” dagdag ng 6-foot-7 forward. “May clearance naman ng doctor kaya minadali na rin ‘yung balik.”
Pati si coach Bong Ravena, saludo sa effort ni Rosario.
“Si Troy, naka-rest siya, nakapagpahinga, pakondisyon. Maybe kailangan niya rin to prove himself na makakalaro na siya ng ganoon,” ani Ravena. “It’s been a while so he stepped up sa game.”