‘Di na nagpatumpik-tumpik si Cris Ross, pabida sa pagtimbog sa San Miguel Beer kontra Phoenix, 105-94, upang sakupin ang first final slot ng PBA Philippine Cup Huwebes nang gabi sa Cuneta Astrodome sa Pasay.
Inararo ng SMB guard ang mga humarang sa kanya tungo sa pagkayod ng team-high 24 points, rekado pa ang 6 steals, 4 assists at 3 rebounds sa 38min., 26sec. job upang ipatapos sa kanyang kampo ang best of seven semifinals series via 4-1 victory.
Kinopo rin ng third seed San Miguel ang Game 1 nitong Abril 13, 100-88, ang Game 2 noong Abr. 15, 92-82, at Game 4 nu’ng Abr. 23, 114-91.
Tanging humirit ang top seed Fuel Masters sa Game 3 Abr. 21, 92-90, para maibigay ang panlimang sunod na sampa ng defending champion sa finale ng all-Pinoy conference na ito.
Umayuda ng 22 markers si Alex Cabagnot, 12 si Arwind Santos at may 10 pa si Terrence Romeo upang antayin na lang ng Beermen ang mananalo sa Magnolia Pambansang Manok at Rain or Shine para sa panibagong race to four win championships series.
Namuno sa Fuel Masters si Matthew na naka-20 puntos.
Masaklap man, ito ay isang karangalan pa rin para sa prangkisa ng mga magkukrudo dahil sa unang sampa sa Final Four.
Ayuda kay Wright si Justin ng 18 pts. at 11 rebs. (Lito Oredo)